Kinilala ang Sampaguita vendor na nasangkot sa viral video noong Disyembre 17 sa labas ng SM Megamall bilang si “Marie,” isang 22-anyos na first-year medical technology student.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras, mariing kinondena ng mga magulang ni Marie ang insidente. “Masakit sa kalooban kasi akong nanay hindi ko sila nahampas ng ganyan. Masakit kasi ginawa nila sa anak ko, na sinipa parang ganoon naghahanap-buhay ng maayos,” pahayag ng kaniyang ina.
Ibinahagi naman ng ama ni Marie ang nangyari bago ang insidente: “Nakikiupo lang siya kasi umaambon ng time na ‘yun.… Eh ngayon dumating ang guard. Pilit siya pinapaaalis. Ang anak ko na yan pag alam niya tama siya ipaglalaban niya sarili niya eh hanggat hindi nagkakaunawaan, hinablot ngayon ang sampaguita.”
Si Marie ay may tatlong kapatid, kabilang ang kakambal niyang nag-aaral ng nursing. Sa araw-araw na pagbebenta ng sampaguita, kumikita siya ng P1,500 hanggang P2,000 upang matustusan ang kaniyang matrikula at pang-araw-araw na gastusin.
Dahil sa insidente, nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P20,000 tulong-pinansyal kay Marie. Napansin din ng ahensya na gumagamit siya ng lumang high school uniform sa kolehiyo dahil sa kakulangan sa pera. “Dahil nga mahirap sila, kung anong available na uniform ay ‘yun po ginagamit nila,” ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Plano rin ng DSWD na palawakin ang tulong para sa negosyo ni Marie sa pagbebenta ng sampaguita.
Sa kabila ng nangyari, bukas ang pamilya ni Marie na patawarin ang guwardiya. “Hindi na kami mag-ano ng kaso... Malay mo may pamilya siya na nag-aaral kagaya sa amin… Naawa kami kasi parehas lang kami na kumakain ng ano,” ani ng kaniyang ina.
Samantala, inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na itutuloy ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa guwardiya. “Binibigyan po natin sila next week ng specific date na mag-appear sa ating opisina. Sakaling hindi siya lumutang, pati yung agency, magi-initiate na po tayo ng formal filing ng administrative complaint,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano ng PNP Civil Security Group.
0 Comments